Kalimbahín
Paano ba iwaglít ang sandalí ng
pagkamulat sa diumanóng pinakamatalik na gawain? Marahil hindî maaarì. Ang kamalayán
sa unang saglít ng paghipò at paghimas, pagkiskís at pagkuskós ng mga bahagi ng
katawáng hindî sa iyó ay hindíng-hindî malilimutan ng sínumán. Palarin man sa angkóp,
o sabihin na nating katanggáp-tanggáp na pamámaraán; o di kayâ’y mangyari sa isáng
makamandág na kalakarán—malabòng makaligtaán.
Hindî ngâ maaarì.
[S]a kaniyáng yumì at gandá
dayuhan ay nahalina…
Labimpitóng taóng gulang pa lamang si
Filipina noóng pinatuloy ng kaniyáng mga magulang sa kaniláng muntíng mansyón
sa Ermita ang Kastilàng misyonero. Hindî niyá alám kung paano natagpuán ng mga
magulang ang banyagà—sa pangangalakal ngá bá ng amá? sa pakikitungo ng iná sa pagdidisenyo
ng magagaràng damít?—ngunit maliwanag sa kaniyáng isipan ang bawat gabíng mag-isáng
nakapiling ang panauhin.
Lálong-lalò na
ang unang beses na mangyari itó.
Linggó noón. Matapos
magsikain at mag-inuman sa ngalan ng pasasalamat ang mga tao sa tahanan,
lumalim ang gabí patí ang pagtulog ng lahat. Nagilantáng na lang si Filipina nang
may pumasok sa kaniyáng silíd at nápatimbuwáng sa kaniyáng tabí. Ang ministro! Pumikít
itó, tila mádaliang nakatulog.
Ipinagbawal ng
mga magulang ang pagtitig ng mga anak sa panauhin, pero ngayón, sa ilalim ng bahagyáng
liwanag ng buwán mulâ sa bintanà, malayang pinanoód ng dalagita ang lalaki at siyá’y
nabighanì sa maamòng mukhâ nitó.
Dumilat ang
lalaki at tumitig pabalík. Naúutál na nangamustá si Filipina sapagká’t hindî siyá
kahusayan sa wikà ng lalaki—sakà daglî niyáng namalayan ang napakanipís niyáng suót.
Nahiya siyá’t niyakap ang sarili.
‘Hermosa...’ bulóng ng lalaki.
Magandá talagá si
Filipina. Pantáy ang hugis ng magkabilang panig ng mukhâ. Malagô ang buhók at
kilay. Katamtaman ang kutis; napakakinis. Maliít ang ilóng at makapál ang labì.
Ang mga matá niyá’y dilát pero malalim ang talukap at mahahaba ang pilíkmatá.
Nápansín ni
Filipina na tinítingnán ng lalaki ang kaniyáng dibdíb at maya-mayâ’y dáhan-dahang
kinapâ ang hubog nitó. Bumilís ang tibók ng pusò ni Filipina nang unti-unting inangát
ng lalaki ang kaniyáng suót. Ngumitî itó, at lalong namanghâ si Filipina sa nakitang
nakahilerang mga ngipin at malalim na biloy sa pisngí. Lumapit pa lalo ang
lalaki at sinimuláng dilaan at sipsipín ang kaniyáng hubád na suso. Bukód sa hindî
alám ang gagawín, hindî rin alám ni Filipina ang dapat maramdamán. Litáw ang
tamasa ng lalaki sa ginagawâ; siyá rin ba dapat?
Lumipat sa may
paanán ng kama ang lalaki at tinanggalán ng saplót ang ibabâ ni Filipina,
kapagkuwán ay ibinukakâ ang kaniyáng mga hità. ‘Rosado!’ sambít ng
lalaki bago halikán ang pagitan ng hinawìng mga bintî. Hindî itó nagustuhán ni
Filipina at nais niyáng ipatigil ang ginagawâ ng ginoó.
Pero paano ba?
Pumatong ang
lalaki sa dalagita, naghalò ang amóy ng pawis at alak. Habang nilálabás ng
lalaki ang kaniyáng arì, biglang luminaw ang isipan ni Filipina—ang sindák! Pumiglás
ang dalagita pero lalò siyang dinaganán ng lalaki. Itinaklób ang bibig ni
Filipina gamit ng kamáy at sinabihang manahimik at kasalanan niyá itó dahil sa kaniyáng
dilág. Natulalâ ang babae: nawalâ ang maamong mukhâ; pumalít ay isáng halimaw.
Nang minsang itanóng
ni Filipina sa mga magulang kung paano naglilihí ang babae, naaayon daw sa bibliyá
na kapág ang magkásintahan ay handâ na para sa pamilya, silá’y ikákasál at ang lalaki
ay iipapasok ang kaniyáng arì sa arì namán ng babae. Pagtatalik ang tawag dito.
Subal’it di lamang itó para magkaanák, kundî isáng dakilàng regalong pinagtitibay
ang pagmamahalan ng mag-asawa.
Pero bakit gánitó
ang karanasán ni Filipina? Nakakasuká ang bigát, hiningá, init, at ungol.
Tumatangis na si
Filipina. Humahangos. Masakít ang pagpilit sa kaniyá ng lalaki; paulit-ulit pa itó
sa pagpasok at paglabás. Ni hindî na niyá kayang magtangkang tumilî; tumatakas
ang kaniyáng káluluwá mulâ sa kaniyáng katawán. Itó ang unang pagkakataóng hilingín
niyá kay Bathalà ang kamatayan.
Nabasâ ang kama,
naglahò ang lalaki—iniwang nanlálamig ang dalagita. Kalimbahín. Iyón daw ang kulay
ng pagitan ng kaniyáng mga bintî; subali’t sa sidhî ng hapiding naráramdamán, tiyák
ni Filipina: nakákatakót na pulá itó ngayón.
Hindî alám ni
Filipina kung paano sasabihin sa mga magulang ang nangyari, at sa pangambang
ang ibáng kapatíd ang mapunteryá, tiniís na lang ni Filipina ang kabuuáng labintatlóng
Linggó ng halay.
Isáng buwán matapos
makaalís ang lalaki, natuklasáng nagdádaláng-tao si Filipina. ‘Puta!’ hayág at
pighatî ng mga magulang; ‘Inakit mo ang isáng sugò ng Diyos!’ Ipinalaglág nilá
ang ‘demonyong’ sanggol at pinalayas si Filipina pagkatpos ng kaniyáng
ika-labing-walong kaarawán.
Nápansín na ni Filipina ang lalaki noóng
isáng Linggó pa. Malimit ang mga nagmamatyág sa kaniyá sa nagdaang taóng pagsisilbí
sa kainán, pero angát itó. Putî. Banyagàng mukháng marangyâ ang buhay.
Tulad
ng buhay niyá noón.
Pagkatapos ng nightshift
ni Filipina, nang maglalakád na mag-isá pauwî, nilapitan siyá ng lalaki at
tinanóng sa Ingles kung puwede siyáng ihatíd sa bahay. Pumayag siyá.
Malamig sa sasakiyán.
Malambót ang mga upuaan. Sariwà ang hanging ibinúbugá ng áircon. Maginhawa ang paglalakbay
pero siyempre kabado si Filipina; pilit niyang ibinabaling ang pansín sa kwento
ng lalaki. (Music manager itó mula Estados Unidos. May inaasikasong studio sa
Pilipinas kayâ bumisita.)
Nakaratíng namán
silá nang matiwasáy sa nireréntahán ni Filipina. Ibinigáy ng lalaki ang kaniyáng
númeró. ‘Name’s Will,’ ánitó; ‘Text me when you need a lift.’
Kinabukasan,
niyayá siyá ni Will sa otél na tinutuluyán. Unang beses lumiban sa trabaho si Filipina.
Nakipagkwentuhan lang siyá sa kama habang kumakain at uminóm ng kahit ano’ng i-order
niyá hanggáng lumalim ang gabí.
‘So, you have a
boyfriend?’ tanong ng lalaki.
‘No.’
‘Despite that
beauty?’ Lumapit si Will at dáhan-dahan siyáng hinalikán bago sinimuláng hubarán.
May kumidlát sa katawán ni Filipina at itinulak niyá ang lalaki. Tinitigan niyá
ang bakás ng mukhâ nitó mulâ sa ilaw na ipinápalos ng mga lámpara sa gilid. Ang
matangos na ilóng. Balát na kulay niyebe. Mga matáng maamò. Nasindák si
Filipina sa hawíg ng lalaki sa Kastilàng misyonero.
‘I’m sorry…’ Lumayô
ang lalaki.
‘It’s okay,’
mabilis na sagot ni Filipina. Maaaríng hindî tamà ang ginagawâ, ngunit hindî
rin malî. Ang alám niyá lang ay sa pagkakataóng iyón, siyá ang may kontrol sa mangyayari.
Pinahiga niyá
ang lalaki at siyá mismo ang pumatong dito. Lumuhód siyá at itinulóy ang paghúhubád.
Lumakí ang mga matá ng lalaki sa balingkinitang katawán ni Filipina; nagmadalî
itóng pisilín ang maliliít na suso at matumbók na puwít.
Dumapâ si
Filipina at hinagkán ang leég ng lalaki habang tinútularan ang pag-ungol ng mga
babaeng napápanoód sa Twitter. Binuksan niyá ang pantalón ng lalaki; tayóng-tayông
na palá itó.
‘I’ll wear a
condom,’ ánitó.
‘No need.’ Pumikít
si Filipina habang pinápapasok ang lalaki, pinapalampás ang kilaláng amóy, hilo—at
sakít; nagkúkunwaríng sariling mga kamáy ang gumagalugarin ng kaniyáng katawán.
Tulóy-tulóy lang siyá sa pag-ungol at paggiling hanggang sa labasán ang lalaki.
‘Best fuck I’ve
had for years,’ ánitó habang hinihingal; ‘But we seriously need the condom next
time.’
Tatlong
araw nanatili si Filipina sa hotel at hindî pumasok sa trabaho. Tatlong araw ng
kwentuhan, halikan, at seks. Marami siyáng natutuhan, tulad ng iba’t ibang
klase ng kontraseptibo. Marami din siyáng posisyong nasubukan kasama si Will.
Paboritó niyá ang mga p’westong siyá ang nakapatong sa kasama; wari siyá’y
makapangyarihan.
Halos masaya si
Filipina. ‘Di man nila mahal ang isa’t isa, masarap sa pakiramdam ang may
nagnanais sa iyó.
Kalauna’y bumalik
sa Estados Unidos si Will. Hindî natiís ni Filipina na subuking hanapin itó online,
at napag-alamáng may asawa palá itó. Lubusang lumbáy at dirì sa sarili ang naramdamán
ni Filipina. Ginamit lang siyá. Kala niyá siyá ang amo sa mga gabíng pumapatong
sa lalaki.
Kala niyá lang
palá.
Naghanáp si Filipina ng mga ibáng
makákasama sa dating apps. Marami siyáng nakaka-match. Madalás mga puti. Kahawíg
ni Will.
At ng Kastilàng
misyonero.
Kadalasang
nagbabakasyón sa Pilipinas. Mga travel vlogger o retirong negosyante o sundalo.
Biníbilhán siyá ng mga mamahaling bagay na kaniyáng ibinebenta pagkaraáng
gamitin.
Nang
mabatíd niyáng maspalagian ang kítà kung gágawín negosyo ang gawí, nagbitíw sa
trabaho si Filipina at nag-úpload sa Twitter ng malalaswáng mga larawan. Doon siyá
nakákakuha ng mga sabík magbayad para sa isáng oras na pribadong video chat
kung saán maghuhubád siyá at magsasalsal sa mga paraáng nahúhumaling ang
kliyente.
May mga sukì rin
na takám sa pisikál. Dalawáng libo kada oras, at dahil dito nagkákaroón si
Filipina ng sobra para makalipat sa sariling apartment.
Bastá hindî sápilitán—iyón ang lagìng sinasabi ni Filipina
sa sarili. Iyón ang nababasa sa mga mágasin at páhayagán, ang mahahagíp sa
telebisyon at radyo. Paúlit-ulit niyáng pinápaalalahanan ang sarili: bastá hindî
sápilitán, magiging maayos ang lahát.
Sa kakaulit niyá
sa sarili, halos paniwalaan na niyá. Ngunit bumábalík ang duda sa bawa’t gabíng
tinitiis ang mga kakilá-kilabot na bangungot: mga lalaking napapawì ang uhaw sa
pag-inóm mulâ sa kaniyáng puki, mga asawa at kásintahang waláng kamuwang-muwáng
sa mga nakaw na saglít na ligayang kasama siyá, mga sanggól na hindî makákaranas
ng dalamhatì—at galák; sa mga gabíng nilulunod siyá ng pangláw, kahit may katabíng
mahimbíng ang tulóg dahil sa pagkilála sa kaniyá, hindî alám ni Filipina kung tamá
ngâ ba’ng mga tinuturò ng makabagong lipunan: basta’t hindî sápilitán, magigíng
maayos ngâ ba ang lahát?
Nang magbente-uno si Filipina, may nakipag-ugnayan
sa kaniyáng direktor na Hapon. Kakalipat lang nitó ng Pilipinas para humanap ng
mga bagong talento. Niyáya siyáng mag-shoóting ng mga pelíkuláng pornograpiya. Thirty-seventy
ang hatian, pero okay na rin. Biruin mo, isáng gabí’y kaya na niyáng buhayin
ang sarili para sa tatlóng buwán. Higít pa, tumataás ang halagá ng serbisyo niyá
dahil sa naráratíng niyáng sikát bilang si Puta del [Mar de] Oriente.
‘Life is good!’
iyán ang parating sinasabi ni Filipina sa mga panayám kahit lagì siyáng pagód
at halos tuliró tuwíng shooting. Kung minsan limáng lalaki sabáy-sabáy ang kumakantót
sa kaniyá. Tatlóng beses siyáng nabuntís sa loób ng pitóng taón, at minsan ding
tinamaan ng sakít dahil sa isáng katrabahong hindî nagíng tapát sa kalusugan nitó.
Maayos ang buhay, ang sinasabi niyá sa lahat. Pero para saán ba ang maayos na pagkain
kung walâ kang ganang kainin itó? Para saán ang maayos na tirahán kung hindî ka
makatulog nang waláng tulong ng sigarilyo o tableta?
At gaano katagál
ang ‘maayos’ na pamumuhay na itó? Sa ngayón, mababà ang veinte mil sa
kalahatìng oras. Pero iláng pagpikít na lamang lalagpás na ng kalendaryo si
Filipina, at sa indústriya ang mga tumatandâ ay isinasantabí. Kauntíng panahón
na lang at tatamláy na ang karera niyá at tuluyan ding maglalahò.
Ang
pinakamasakít para kay Filipina ay: mithiin man niyáng magsimulâ ng pamilya,
waláng ibig magpakasál sa isáng Puta.
Sa mga araw na waláng trabaho si
Filipina, hilig niyáng tumambay sa library café na malapit sa tinitirahán niyá.
Dahil ngâ hindî nakapagtapós nang mapalayas ng magulang, pepuwesto lang siyá sa
may sulok ng kapihan at magbabasá tungkól sa mga paboritó niyáng mga paksâ
tulad ng pilosopiya at feminismo.
Pangarap niyáng
tumulóy ng pag-aaral, pero hindî niyá alám kung papaano babalík. Ibá na kasí
ang tingín sa kaniyá ng lipunan. Sabihin na nating ‘tanggap’ namán siyá, natatakót
pa rin siyá sa maaaríng kakaibáng pagtrato. Halimbawà na lang ng mga propesór
na hihingî ng pabór kapalít ng pagpasa sa subject na tinuturò.
Iyán ang buhay
ni Filipina. Ni hindî ngâ siyá makapaghanáp ng mga taóng tunay na malalapitan.
Kahit mismong mga babae sa indústriya niyá, hindî siyá kinakaibigan dahil sa ikinúkublíng
timpalák sa kanilá—‘high-level hustler’ si Puta del Oriente, at sa katunayan
bihirà ang tulad niyáng kumita.
‘P’wedeng tumabí?’
tanong ng lalaki.
Napakasikát na ni
Filipina ánimó waláng kabataang Pilipinong nakakapag-Internet ang hindî siyá
kilalá. Naisip niyáng bakâ sinisimplehan lang siyá nitó ng stolen kayâ tumingín
muna si Filipina sa paligid; lahát ngâ ng upuan ay okupado. ‘Sige.’ Kapag ginuló
siyá ng lalaki, áalís na lang siyá.
Pero tahimik siláng
nagbasá ng iláng oras. Ang lalaki’y panaká-nakáng nagsusulát sa kuwadernong
bitbít.
Maya-mayâ, nagpasiyá
si Filipina na kausapin itó. ‘Madalas ka ritó?’
‘Oh—’ nag-angát
ng tingín ang lalaki; ‘No. ‘Pag exams lang.’
‘Ano’ng inaaral
mo?’
‘Well, as of
now, I’m taking up a second degree in psychology.’ Inayos ng lalaki ang salamín
sa matá na lumalaglág mulâ sa kaniyáng ilóng. ‘You? Working?’
‘Yeah.’
‘Nice.
What do you do?’
‘I’m a—sex
worker.’
‘Oh…’
Nainis siyá sa mausisàng
tono ng lalaki, at bumaling ng tingín pabalík sa kaniyáng binabasa.
Naunawaan
kagyát ng lalaki ang pagkayamót ng dalaga. ‘Leonard ngâ pala.’ Inabot niyá ang
kamáy. ‘Call me Len.’
Kumamáy ang
dalaga. ‘Filipina.’
‘Lovely name.’
‘Salamat.’ Nakakapanibago.
Itó ang unang lalaking máginoó sa kaniyá matapos mabalitaan ang urì ng kaniyáng
hánapbuhay. Kadalasan kasí’y hihingín agad ang stage name niyá—maaaríng para
magjakól sa mga video niyá sa ibang pagkakataón.
‘Can I call you
Fil?’
Napangitî si
Filipina. ‘If you give me your number.’
Dumilím ngâ ang likás na dilág,
sariling dugô namán siyáng nilaspág…
Sa dami ng mga katunggalíng
kabataan, nahihirapang makakuha ng proyekto si Filipina. ‘Audience want fresh
pussy!’ giit ng Hapong direktor; ‘Fresh pussy!’ Dito naisipan ni
Filipina na maghanáp ng bugaw at napuntá siyá sa isáng Pinóy sa ngalang Bong.
BDSM ang hilíng
ng mga kliyente kayá sukdulang pagtitiis ang mga gawain. Gumiling sa bunót, gamiting
sex toy ang tangkáy ng walís tambô, humigâ nang patiwarík ng may tela sa mukhâ (na
bubuhusan ng tubig para habang tinitira ng lalaki ay muntíkang nalulunod)—ilán
lamang sa mga naranasan ni Filipina. Minsan pa ngâ’y kinailangan siyáng isugod
sa ospitál dahil nahiwà ang kaniyáng arì at ayaw tumigil sa pagdudugô.
Dumádalás ang
pagpapakalasíng ni Filipina bago sumabak sa trabaho. At sa bawa’t tumpók ng abó
ng sigarilyong hinihithít para makalimutan ang sakít, sinusumpâ niyá ang sariling
husay sa pag-iwas sa kamatayan. Nakákatawá kung minsan.
‘Haven’t been
seeing you much,’ aní Leonard; ‘Been trying to contact you, too.’
Kakagaling niyá
lang noón mulâ sa follow-up checkup. Naisipan niyáng bumisita ng kapihan pero hindî
niyá magawáng magbasá. Hindî maparam ang pagkamuhì niyá sa Stolen ng
Rappler—mga salaysáy ukol sa child trafficking. Iniisip niyá kung bakit hindi
namán siyá ibinenta, malayò namán ang kalagayan niyá sa mga batà, ngunit bakit
nahahalintulad at nauugnáy niyá ang sarili sa mga kuwento?
‘Len,’ wikà ni
Filipina; ‘p’wede mo ba ‘kóng samahan ng kahit iláng araw?’
Pumayag si Leonard,
pero si Filipina ang mananatili sa bahay nila sa Project 6 kung saán kasama ng
náuná ang kaniyáng lola. Maraming guest room, subali’t ang napilì ni Filipina ay
ang atik. Marikít kasi ang tanawin nitó: kita ang wisík ng kahél sa daan-daáng
gusalì—ang pagduyan ng mga itó sa kalangitáng tumutulòng maputlâng bugháw sa
mapusyáw.
Malamíg ang
simoy sa oras ng sibsib. Tinabihán ni Leonard si Filipina sa may bintanà para
mariníg nang maliwang ang isinásaád nitó—ang paggahasà, pagpapalaglág,
pagpapalayas; ang mga pangambá, pagsisisi, patí na pangarap—ibunuhos ni
Filipina kay Leonard, ang itinatangì niyáng kaibigan.
‘Si Bong… nangakó
siyáng ibábalík ang gintô sa’king palad… pápakasalán niyá ‘kó… and it needs to
happen while I’m still his fave amongst his girlfriends.’
‘All
he does is abuse you.’
‘He doesn’t do
anything I don’t allow.’
Napabuntóng-hiningá
si Leonard. ‘You know, I get it. You consented to this, to everything, pero
sapát ba ‘yon? You were vulnerable from the start, Fil. Tigilan mo na’t alám mo
sa sarili mong hindî tamà.’
Lumuhà
si Filipina. ‘Hindî ko kaya, Len.’
‘Filipina—’
Iniyápós siyá ni Leonard. Tumahan ang dalaga sa ginhawang gumapang sa kaniyáng katawán.
Iyón ang pinakamatalik na haplós na nadamá niyá sa buóng buhay niyá. Warì sa
yakap ni Leonard, maaarì na niyáng tigilan ang pagtatagò sa mga malíng diktá at
huwisyo sa buhay. Kay Leonard, nahanáp ni Filipina ang pamilyang kailanmán di
niyá nakamtán. ‘Maraming bagay ang mahirap, pero hindî ibig sabihin ay
imposible.’
Ng gabíng iyón,
habang naghíhintáy maihî, nagmúni-muni si Filipina sa páliguan. Natandaán na
namán niyá ang nabanggít ng Hapóng direktor: sariwang pepè.
Kinuha niyá ang
travel mirror sa estante at umupô sa pálikuran. Bumukakà siyá’t tinapát ang
salamín sa pagitan ng kaniyáng mga bintî. Abá! Anó ngâ ba ang nakita ng Kastilàng
ministeryo? Kalimbahín? Iyón ang pagkakalarawan noón ng banyagà. Kulay rósas pa
rin namán ngunit itsura’y nabilád. Medyo nangitím sa kakatanggál ng bulból. Lumuluwâ
ang loóbang mga labì. Walâ na’ng higpít. Hindî na sariwà.
Naramdamán
na ni Filipina ang udyók ng pag-ihi. Tinapos niyá ang pakay sa páliguan at
nadiskubréng nagdádaláng-tao na namán siyá.
Alám niyáng hindî tulad niyá ang
nararapat kay Leonard, kayâ bago pa man siyá lamunin ng matamís na alaala ng
nagdaáng gabí—ang paghimas ni Leonard sa katawán at buóng pagkatao niyá—nagmadalî
siyáng maghandâ ng gamit.
Umaga na walâ
pang tao sa sala—iyón ang kalâ niyá dahil bago makalabas ng pinto si Filipina,
natigil siyá sa nariníg na boses.
‘Fil?’
Hinaráp niyá
ang lalaking lumalapit. ‘Nagkamali akó. But I’ve thought about everything last
night—’
Hinarangan
siyá ni Leonard. ‘Fil, we’ve talked for hours at Libro’t Kape, we talked
for hours last night, and it’s safe to say I know you the most outside
yourself, so please listen: you feel like you’re already in deep shit, but
there’s a way out of this. Just choose what you really want for yourself.’
‘Eto
ngâ ang gusto ko.’
‘You
want peace, Fil. Growth.’
Katahimikan.
‘Buntis
na ‘kó,’ aní Filipina.
‘Alám
ko. I can tell.’
‘Alám
mo ibig sabihin no’n? If I deliver successfully… hindî na ‘kó p’wedeng itakwíl—’
‘Stop
chasing after Bong! He’s not that kind of guy and we both know it! Sige ngâ!
What if he says that kid’s not his?’
Napatahimik
si Filipina.
‘Fil…’
Dinuyan ni Leonard ang mga pisngí ni Filipina sa kaniyáng mga kamáy. ‘You can
choose to stay. Here.’
Gustuhín
mang manatili ni Filipina, ayaw niyáng magising si Leonard ng isang araw na pinagsísisihan
ang lahát. Kayâ sinigawán niyá itó: ‘Hindî kita pinipili, Len!’ Umiyak. ‘Kayâ h’wág
mo na ‘kóng pahirapan, please lang! Ang hirap na ngáng iwanan ka…’
Niyákap
ni Leonard nang mahigpít si Filipina. ‘Call when you need help, okay?’
Marahang tinaggál
ni Filipina ang hawak ni Leonard. ‘Okay,’ sagót ni Filipina; ngunit sa
pagtalikod niyá, sa pag-apak niyá palabás ng pintô, alám niláng dalawáng iyón
na ang hulí niláng pagkikita.
Lahok sa Sarangola Blog Awards 2022
Comments
Post a Comment