Posts

Kalimbahín

Image
Paano ba iwaglít ang sandalí ng pagkamulat sa diumanóng pinakamatalik na gawain? Marahil hindî maaarì. Ang kamalayán sa unang saglít ng paghipò at paghimas, pagkiskís at pagkuskós ng mga bahagi ng katawáng hindî sa iyó ay hindíng-hindî malilimutan ng sínumán. Palarin man sa angkóp, o sabihin na nating katanggáp-tanggáp na pamámaraán; o di kayâ’y mangyari sa isáng makamandág na kalakarán—malabòng makaligtaán. Hindî ngâ maaarì.   [S]a kaniyáng yumì at gandá dayuhan ay nahalina…   Labimpitóng taóng gulang pa lamang si Filipina noóng pinatuloy ng kaniyáng mga magulang sa kaniláng muntíng mansyón sa Ermita ang Kastilàng misyonero. Hindî niyá alám kung paano natagpuán ng mga magulang ang banyagà—sa pangangalakal ngá bá ng amá? sa pakikitungo ng iná sa pagdidisenyo ng magagaràng damít?—ngunit maliwanag sa kaniyáng isipan ang bawat gabíng mag-isáng nakapiling ang panauhin. Lálong-lalò na ang unang beses na mangyari itó. Linggó noón. Matapos magsikain at mag-inuman sa ngalan ng pasasalamat ang